Jul 12, 2006

cellphone

makulimlim ang panahon, masarap ang byahe, malamig ang hangin. ito ang typical na ginagawa ni jason sa araw-araw na pagpasok sa unibersidad. nakita nya na ang building sa kursong architecture, senyales na malapit na syang bumaba sa jeep. naisipan nyang mag text sa sandaling yun at kinapa ang bulsa ng bag..wala, kinapa ang bulsa ng pantalon..wala rin. nabulabog ang paghahanap nyang un ng marinig ang tinig ng katabing aktong bababa ng jeep. inulit nyang muli ang pagkapa sa kanyang gamit, pero wala talaga. simpleng tao lang naman si jason kaya di naman mamahalin ang cellphone subalit mahalaga to sa kanya. sa di mawaring kadahilanan, kinutuban sya noon habang tinitingnan ang lalakeng bagong baba. isang desisyon ang nabuo. dali dali syang pumara at tuluyan ng bumaba. minasdan ang lalakeng nakasuot ng polong puti na may hawak ng black pouch, na kaedad siguro ng kanyang ama, ay kasalukuyang humihitit ng yosi. saktong napatingen sa kanya ang lalake, tinapon nun ang yosi at mukhang lalakad ng palayo  sa direksyon na kinatatayuan ni jason. dun sya kinabahan at di nagdalawang isip na lapitan ang kahina hinalang lalake. walang kagatol gatol nyang tinanong:

jason: asan na ho ang cellphone ko?
lalake: huh? wala saken cellphone mo. (sabay talikod sa kanya)
jason: alam kong kinuha nyo kaya bago pa ako mageskandalo ilabas no na ho.
lalake: hoy wala akong kinukuha sayo.

ang kantong un kung saan napapalibutan ng mga estudyanteng kumain sa kantina at mga ilang sibilyan nag nakasaksi sa pag uusap nila. nilapitan sila ng ilan upang alamin ang pangyayari.

ale: boy ano ba nangyari?
jason: nawawala ho kase ung cellphone ko, knina lang asa bulsa ko, tapos kinutuban ako ng kinuha nya pero ayaw umamin. (sabay turo sa lalakeng kaharap)
lalake: hindi nga ako ang kumuha, bat ba ang kulit mo.

mabilis ang pagdagsa ng mga umuusyoso. sari saring kuro-kuro ang sinasabe.

sibilyan: bat di na lang kapkapan para mapatunayan.
lalake: ho? baket naman eh....

hindi pa tapos ang kanyang sasabihin biglang may humila sa kanyang braso para di makapalag. sinamantala ni jason ang pagkkataong kapain ang bulsa ng lalake. tiningnan sa harap at likod na bulsa ng pantalon, wala. nawawalan na ng pag asa si jason nang makita nya ang pouch, nagpumiglas ang lalake at nagsasabeng "wag yan." lumakas ang pakiramdam ni jason na meron syang makikita sa bag na un. hindi nagkamali si jason, nakita nya mismo ang nakapatay ng nokia 3310 na cellphone. sabay na rin sa pagbitaw ng sibilyan sa braso ng lalake. sambit ni jason sa isipan....

jason: eto na nga ang cellphone ko na kinuha mo.

mabilis ang reaction ng lalake, dinampot ang cellphone na nasa palad ni jason, hinawi ang lupon ng mga tao at nagttakbo. nagsidhi ang galit ng mga sibilyan at estudyanteng nakausyoso. hinabol nila ang lalake, dumampot sila ng bato upang tugisin ang magnanakaw.

sibilyan: putanginang magnanakaw ka!

sabay sa pagbato na ikinatama sa sentido ng lalakeng natumba. tinungo ni jason ang eksena at kinuha ang kanyang cellphone na nilagay sa bulsa at pauwi na ng bahay. hindi na sya papasok sa araw na to. ikukuwento nya sa bahay ang nangyari.

habang pauwi na sya, naisip nyang mahirap na talaga ang buhay ngayon. ultimo ang hinde mamahaling cellphone tulad ng sa kanya ay pinag iinteresan. mabuti na lamang at may mga tumulong sa kanya.

natunton nya na ang gate ng kanilang bahay, bumungad sa kanya ang ina na parang di nasorpresa na maaga syang nakabalik.

ina: nakita mo na?
jason? ho? diko kayo maintindihan. nawalan nga ako ng cellphone kanina eh, heto ngat nabawi ko. (sabay labas sa bulsa)
ina: kanino yan? eh kanina pa andito ang cellphone mo. naiwan mo bago ka pumasok sa eskwelahan. (sabay turo sa cabinet na pinagpatungan ng naiwang gamit)

namanhid ang buong katawan ni jason habang naaalala ang engkwentro sa pobreng lalake.

Post a comment